Sen. Lito Lapid, handang magbitiw bilang senador sakaling mapatunayan na may kinalaman siya sa POGO sa Porac

Handa si Senator Lito Lapid na magbitiw bilang senador sakaling mapatunayan na may kinalaman siya sa ni-raid na POGO sa Porac, Pampanga na Lucky South 99.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality, binanggit ni Lapid na may isang vlogger, na hindi pinangalanan, na pilit siyang iniuugnay sa POGO sa Porac.

Aniya, ibinibintang sa kanya ng vlogger na siya ang may-ari ng lupain na kinatatayuan ng POGO at ang alegasyon na protector siya ng POGO sa lugar.


Hamon ni Lapid, sakaling mapatunayan na kasali at may kinalaman siya sa POGO sa Porac ay magbibitiw siya bilang senador.

Binigyang-diin ng mambabatas na hindi niya papayagan na masira ang kanyang pangalan dahil lamang dito lalo’t maraming taon na rin siyang nagsilbi sa lokal na pamahalaan at sa Senado.

Dismayado ang senador nang dahil sa iligal na operasyon ng POGO ay pumapangit na ang imahe ng kanilang lalawigan at apektado na rin ang sektor ng kanilang pamumuhunan.

Facebook Comments