Nanawagan si Senator Lito Lapid sa mga kasamahang mambabatas sa Kamara na aprubahan na rin ang counterpart bill sa Senado na Bill of Rights and Obligations of Taxpayers.
Ang Senate Bill 1806 o ang Taxpayer’s Bill of Rights and Obligations Act na iniakda ni Lapid ay unang nakalusot na sa Senado sa ikatlo at huling pagbasa.
Ang naturang Taxpayer’s Bill of Rights ay kabilang sa listahan ng priority measures ng pamahalaan sa ilalim ng Legislative Executive Development Advisory Council (LEDAC).
Dahil lusot na sa Senado at kabilang pa sa priority measures ng Marcos administration, hinimok ni Lapid ang mga kongresista na ipasa na rin nila ang kaparehong panukala sa mababang kapulungan ng Kongreso.
Kabilang sa mahahalagang probisyon ng panukalang batas ay ang paglalatag sa mga karapatan at mga obligasyon ng bawat taxpayer gayundin ang mabigyan ng wastong kaalaman ang mga taxpayer, mapabilis at maayos ang pagbabayad ng buwis, at maiwasan ang mga pang-aabuso.