
Binusisi ni Senator Rodante Marcoleta ang paglobo ng confidential funds ng Office of the Secretary ng Department of Justice (DOJ).
Sa budget deliberation para sa DOJ sa susunod na taon, tinukoy ni Marcoleta ang ₱526 million confidential fund noong 2023, bumaba noong 2024 sa ₱168 million, at ngayong 2025 ay tumaas ito sa ₱1.5 billion, o 800 % ang itinaas sa pondo.
Paliwanag naman dito ni Senator Sherwin Gatchalian, na siyang sponsor ng DOJ 2026 budget, ang Kongreso ang nagpadagdag ng higit ₱1-bilyon sa confidential funds ng DOJ.
Kabilang sa dahilan ng paglaki ng pondo ay dahil mainit ang imbestigasyon noon sa mga nawawalang sabungero at sa POGO.
Para sa susunod na taon, hinihiling ng DOJ na mabigyan sila ng dagdag na pondo sa confidential funds dahil marami silang iniimbestigahan, tulad ng mga anomalya sa flood control projects at ang Witness Protection Program na mangangailangan ng ₱500 million.
Pero hiniling ni Marcoleta na tapyasan ng kalahati ang confidential funds ng DOJ sa 2026 at ibigay ang tatapyasin dito sa Office of Alternative Dispute Resolution, kung saan nireresolba ang mga kaso na pwede pang ayusin.
Sa susunod na taon, pinabibigyan ng Senate Committee on Finance ang DOJ ng ₱729 million na confidential fund.









