Thursday, January 15, 2026

Sen. Marcoleta, pumalag sa mga umano’y pasaring sa kanya ni Sen. Lacson

Ibinuhos ni Senator Rodante Marcoleta ang kanyang sama ng loob kay Senate President Pro Tempore Ping Lacson dahil sa madalas na pagpapasaring sa kanya.

Sa privilege speech ni Marcoleta, pumalag siya sa post sa X ni Lacson hinggil sa kawalan ng abiso nang iprisinta sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee ang testigong si Orly Regala Guteza at kinuwestyon ang kredibilidad nito dahil sa notaryo ng sinumpaang salaysay na naunang itinanggi ng abogado.

Ipinunto rin ni Marcoleta ang iba pang pasaring ni Lacson, tulad ng sa isang interview kung saan ang tanong ay kung kino-coach kaya niya si Guteza at ang naging tugon ni Lacson ay: “Kung ano ang hula ninyo, iyon din ang hula niya.”

Hindi nagustuhan ng mambabatas ang tugon ni Lacson dahil hindi raw niya ito gawain.

Kinuwestyon naman ni Marcoleta si Lacson kung bakit ang direksyon ng imbestigasyon ng Blue Ribbon ay tila hindi tinutumbok si dating Speaker Martin Romualdez sa kabila ng makailang ulit na nabanggit ang pangalan nito sa pagdinig.

Facebook Comments