Posibleng walang gustong maging kalihim ng Department of Agriculture (DA).
Ito ang pahayag ng kapatid ng pangulo na si Senator Imee Marcos sa gitna na rin ng usapin na hanggang ngayon ay wala pa ring permanenteng secretary ang ahensya.
Naniniwala si Sen. Marcos na patuloy ang paghahanap ni Pangulong Bongbong Marcos ng itatalagang kalihim sa DA.
Magkagayunman, posibleng wala aniyang gustong tumanggap sa posisyon dahil alam naman ng lahat na napakahirap ng tungkuling ito.
Samantala, kinumpirma rin ng senadora na nakausap niya ang pangulo kaugnay sa kanyang suhestyon na unang bilhin ng gobyerno ang suplay ng bigas ng mga lokal na magsasaka bago isulong ang importasyon.
Una nang iginiit ng mambabatas na hindi dapat “knee jerk solution” ang rice importation at sa halip ay ito na ang huling hakbang para matiyak ang sapat na suplay ng bigas.