Nababahala si Senator Imee Marcos na mistulang “rogue” o tahasan na ang pagsuway ng ilang mga opisyal ng gobyerno sa mga direktiba ni Pangulong Bongbong Marcos.
Tinukoy ng senadora ang napagkasunduan ng Senado at Kamara sa harap ni Pangulong Marcos kung saan isusulong ng Mataas na Kapulungan ang Resolution of Both Houses no. 6 o pagamyenda sa economic provisions ng Konstitusyon at ito ay i-a-adopt naman ng mababang kapulungan ng Kongreso.
Pero sa kabila aniya ng kasunduan ay mayroong ibang itinutulak at sinusuportahan ang Kamara na People’s Initiative na wala sa napagkasunduan ng kaharap ang Presidente.
Inamin ni Sen. Marcos na litong-lito na rin sila sa Kamara dahil matapos ang isyung ito ay nagpadala naman ng liham si Speaker Martin Romualdez kay Senate President Juan Miguel Zubiri kung saan nakasaad na suportado ng mababang kapulungan ang RBH 6 pero inuudyukan naman ang Senado na manguna sa pagsusulong ng alternative People’s Initiative.
Nanindigan ang mambabatas na mariin nilang tinututulan ang sinusuportahang People’s Initiative ng Kamara na nagtatanggal ng poder sa Kamara at gumamit pa ng suhol para sa mga lagda.
Dahil dito, inamin ng senadora na nagkakaroon na sila ng “trust issues” sa Kamara sa pabago-bago at hindi pagsunod sa naging kasunduan.