Nanawagan na si Senator Imee Marcos sa kanyang kapatid na si Pangulong ‘Bongbong’ Marcos Jr. na tuluyang tuldukan o wakasan na ang pekeng People’s Initiative (PI) para sa pagamyenda ng Konstitusyon.
Sinabi ni Sen. Marcos na hanggang ngayon ay sinasabi ng kanyang kapatid na pangulo na pinagaaralan at kumukonsulta pa siya sa mga legal luminaries patungkol sa People’s Initiative habang ang Commission on Elections (COMELEC) sa kabila ng suspensyon sa proceedings sa P.I. ay inamin na maaari pa ring ma-recycle at magamit ang mga lagda sa hinaharap.
Hirit ng senadora kay Pangulong Marcos na magkaroon ng matibay at malinaw na paninindigan para matigil na ang People’s Initiative at mawala na ang kontrobersiya na bumabalot dito.
Giit pa ni Senadora Marcos, magalit na o magwala na ang kanyang kapatid pero ilang beses na niyang sinabi ito at hindi naman dapat sinasamantala ng ilan ang kabaitan ng presidente.
Nagbabala rin ang mambabatas na sinuman ang nagsimula ng isyung ito sa People’s Initiative, kamag-anak man o hindi, ay kanyang mariing tututulan at hindi siya papayag na muling magamit ang Marcos administration at mabahiran ang kanilang pangalan.