Iginiit ni Senator Imee Marcos na hindi makatotohanan kung tuluyang ipagbabawal ang paggamit ng wang-wang o mga signaling devices sa ilang mga opisyal ng pamahalaan.
Ayon kay Marcos, maganda naman ang ginawang pag-ban sa paggamit ng sirens, blinkers, at ibang mga flashing at signaling devices pero may mga pagkakataon din na kailangang gumamit nito.
Inihalimbawa ng senadora na may mga okasyon na kapag dadaan ang presidente o kaya naman ay may mga bisita mula sa ibang bansa tulad ng mga “Head of State” ay hindi naman dapat paghintayin ang mga iyon sa traffic.
Sa tingin ni Senator Marcos, “case-to-case basis” ang pagbabawal at paggamit ng wang-wang tulad na lamang kapag may emergency, state visit at iba pang pangangailangan.
Sa inilabas na Administrative Order ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., pinagbabawalan na ang mga opisyal at mga tauhan sa gobyerno na gumamit ng wang-wang, blinkers at iba pang signaling devices dahil napansin na nagdudulot lamang ito ng pagbigat sa trapiko at dumarami ang mga pasaway sa lansangan.