Umapela si Senator Imee Marcos sa kanyang kapatid na si Pangulong Bongbong Marcos na tingnan ang 2025 national budget bago ito lagdaaan sa katapusan ng taon.
Umaalma ang mambabatas sa pagbabalik sa pambansang pondo ng kontrobersyal na Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP) habang ang ibang mga mas importanteng proyekto ay tinapyasan o hindi kaya ay inalisan ng pondo sa 2025.
Paalala ni Senator Marcos sa pangulo na sinabi nito sa kanyang nakaraang State of the Nation Address o SONA na uunahin sa budget ang mga mahahalagang proyekto sa bansa.
Hindi aniya lingid sa kaalaman ng pangulo na sinusuway na pala siya ng mga taong inaakalang makabubuti para sa kanya at sa bayan at hindi napapansing tinututulan na ang lahat ng mga priority project nito.
Kabilang aniya rito ang pagtapyas sa pondo ng Department of Agriculture, ang Department of Science and Technology, 4Ps sa ilalim ng Department of Social Welfare and Development, flood control ng Department of Public Works and Highways, at pagbibigay ng zero subsidy sa PhilHealth.