Sen. Mark Villar, dumipensa laban sa mga kritiko ng Maharlika Investment Fund

Dumipensa si Senator Mark Villar para sa isinusulong na Maharlika Investment Fund (MIF) Bill.

Ito ay dahil sa parehong Majority at Minority sa Senado ay napuna ang maraming butas at kakulangan sa panukala na umabot pa sa puntong tinawag itong depektibo ng ilang mambabatas.

Ayon kay Villar, na siyang naghain ng MIF Bill at Chairman ng Committee on Banks na dumidinig sa panukala, nakita sa unang pagdinig nitong Miyerkules na madadagdagan ang mapagkukunan ng gobyerno ng pondo para sa mga malalaking proyekto tulad ng infrastructure at energy projects.


Bukod dito ay makakaakit din ang panukala ng mga foreign investments sa telecommunication at kuryente, makakalikha ng maraming trabaho at maidadala rin sa bansa ang mga bagong teknolohiya at mga kaalaman na tiyak na pakikinabangan ng mga susunod na henerasyon.

Sa ilalim ng Maharlika Investment Fund ay ilalagak dito ang pondo ng mga financial institutions ng gobyerno, paiikutin para kumita kung saan maaaring magpasok ng investments ang pribadong sektor at pwedeng mangutang para rito.

Subalit sa nagdaang pagdinig ay naging kwestyon sa sovereign wealth fund ang intensyon ng panukala, ang panggagalingan ng pondo, pangangasiwa, paglalaanan at pananagutan sakaling malugi ito.

Facebook Comments