
Hinikayat ni Senator Migz Zubiri ang Senado, Kamara at maging ang ibang ahensya ng gobyerno na magsagawa ng mandatory random drug test sa mga empleyado.
Ayon kay Zubiri, sa Senado ay mayroon namang pondo para magsagawa taon-taon na random drug test kaya nanawagan siya sa ibang senador na sumailalim na rin sa drug test.
Inaanyayahan din ng senador ang Kamara na magsagawa rin nito lalo’t marami silang staff doon at titingnan din ni Zubiri kung ano pang mga ahensya ang kanyang mahihimok na makiisa sa hakbang na ito.
Ngayong umaga ay nanguna ang tanggapan ni Zubiri na sumailalim sa drug test kasama ang 35 empleyado.
Dagdag ni Zubiri, susunod din ang mga kasamahang senador sa minorya na sasailalim sa drug test.
Sa susunod na linggo naman lalabas ang resulta ng drug test sa opisina ni Zubiri.









