Handa si Senator Nancy Binay na sumunod sa kung anong magiging proseso ng Senate Committee on Ethics patungkol sa inihain niyang reklamo laban kay Senator Alan Peter Cayetano kaugnay sa nangyari sa pagdinig ng New Senate Building.
Susubukan muna kasi ni Ethics Committee Chairman Francis Tolentino na pagkasunduin sina Binay at Cayetano upang hindi na umabot sa pagdinig ang naturang ethics complaint.
Ayon kay Binay, bukas naman siyang makipag-usap kay Cayetano at kung sa tingin ni Tolentino ay dapat na mag-usap muna sila ng kapwa senador; nakahanda aniya siyang sumunod sa proseso.
Samantala, hindi na dumalo si Binay sa pagdinig kahapon ng Senate Committee on Accounts na pinamumunuan ni Cayetano hinggil sa New Senate Building.
Paliwanag ni Binay, hindi na siya pumunta sa pagdinig dahil narinig na niya mismo sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na walang P23 billion na halaga na nakalagay para sa konstruksyon ng gusali ng Mataas na Kapulungan.