Naging emosyonal si Senator Nancy Binay matapos na makapaghain ng ethics complaint laban kay Senator Alan Peter Cayetano matapos ang mga nangyari sa pagdinig sa New Senate Building (NSB) noong nakaraang linggo.
Ayon kay Binay, hindi na siya makakapayag na maulit ang dinanas ng kanyang mga anak at pamangkin na pambubully noong 2015 kung saan si Cayetano rin ang nanguna sa imbestigasyon ng Senado tungkol sa iregular na Makati City Hall Parking Building na nadiin din ang mga Binay.
Aniya pa, hindi lang ito dahil siya ay isang senador kundi siya ay isang ina kailangang protektahan ang mga anak at mahirap itong ipaliwanag sa isang taong kahit kailan ay hindi pa nagiging magulang.
Nagpapasalamat naman si Binay kay Senate Majority Leader at Ethics Committee Chairman Francis Tolentino dahil didinggin nito ang kanyang reklamo at umaasang sa pagbabalik sesyon ay matatalakay ang reklamong kanyang inihain.
Dagdag pa ni Binay maraming components ang kanyang reklamo kabilang dito ang pagtawag sa kanya ng Marites, buang, at pagaakusa na siya ay nagbibigay ng scripted interviews sa sampung radio stations.