Tinawag ni Senator Nancy Binay si Senator Alan Peter Cayetano na “gaslighter” matapos na hindi siya pagsalitain at pagpaliwanagin ng maayos sa pagdinig na ginanap kahapon tungkol sa isyu ng New Senate Building (NSB).
Puna pa ni Binay, maging ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ay hindi makapagpaliwanag ng maayos dahil binabara kapag hindi pasok sa gusto niyang marinig ang paliwanag ng ahensya.
Hindi rin nagustuhan ng senadora ang paninisi at pagpapasaring sa media na pinalalabas ni Cayetano na kasabwat ni Binay sa mga interview para palutangin ang Makati-Taguig issue.
Aniya, ang pahayag ni Cayetano laban sa media ay malaking insulto lalo na sa mga nag-co-cover sa Senado at ito ay direktang pag-atake sa kanilang propesyon.
Kahapon sa pagdinig ay nagkainitan at nagkasagutan sina Binay at Cayetano tungkol sa kabuuang halaga ng NSB na ayon kay Binay ay aabot lamang sa mahigit P21 billion at ito ay multi-year contract at hindi biglaan habang si Cayetano ay iginigiit naman ang P23 billion kung saan isinama rito ang halaga ng biniling lupa na pinagtayuan ng gusali.