Hinikayat ni Partido Demokratiko Pilipino – Lakas ng Bayan (PDP-Laban) Vice Chairperson at Energy Secretary Alfonso Cusi ang kanilang acting president na si Senator Manny Pacquiao na dumalo sa nalalapit nilang meeting and assembly sa July 16 at 17.
Ito ay para harapin ang kanyang mga kapartido at resolbahin ang mga hindi pagkakaunawaan.
Ayon kay Cusi, dapat lamang na dumalo sa dalawang araw na meeting si Pacquiao dahil tatalakayin dito ang magiging direksyon ng partido para sa May 2022 elections.
Itinanggi rin ni Cusi na ang pagsasagawa nila ng assembly ay ilegal at paglabag sa patakaran ng PDP-Laban.
Aniya, sumusunod lamang siya sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte, na national chairman ng partido.
Pero tugon ni Pacquiao, hindi siya sisipot sa meeting dahil tutungo na siya sa Los Angeles para sa kanyang training sa nalalapit na laban.