Pinaghahain ni House Committee on Good Government and Public Accountability Chairman Michael Aglipay si Senator Manny Pacquiao ng resolusyon upang maimbestigahan at masuportahan ang mga ibinunyag nitong korapsyon umano sa pamahalaan.
Giit ni Aglipay, ang mga pahayag ni Pacquiao na may nawawalang P10.4 billion na pondo sa Special Amelioration Program o SAP ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), gayundin ang mga alegasyon ng katiwalian sa Department of Health (DOH) , Department of Energy (DOE) at Department of Environment and Natural Resources (DENR) ay seryosong mga usapin.
Ito aniya ay dapat na idaan sa tamang proseso tulad ng paghahain ng isang resolusyon.
Sa panig naman ni Aglipay, bilang Chairman ng House Blue Ribbon Committee ay handa siyang magpatawag at suportahan ang anumang hakbang upang mabunyag ang katiwalian sa pamahalaan.
Bilang paggalang naman sa senador at mga kasamahan sa senado, mas maigi aniya na si Pacquiao na mismo ang maghain ng resolusyon sa kanilang Senate blue ribbon committee para magsagawa ng pagsisiyasat hinggil sa isyu.