Sen. Pacquiao, may utang na P2.2 bilyon na buwis ayon kay Pangulong Duterte

Inungkat ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pulong ng Partido Demokratiko Pilipino–Lakas ng Bayan (PDP-Laban) ang dating 2.2 bilyon tax liability ni Senador Manny Pacquiao.

Ayon kay Pangulong Duterte, ginawa niyang banggitin ang tungkol sa usapin ng buwis ni Pacquiao dahil sa pahayag nito tungkol sa katiwalian sa gobyerno.

Aniya, bagama’t wala siyang planong habulin ang senador sa pagkakautang nito sa buwis, maituturing ding corrupt ang senado.


Kung sinasabi nitong may korapsyon sa gobyerno, maituturing ding corrupt ang senador dahil nandaya ito sa buwis at hindi nagbayad.

Gayunman, nilinaw ng pangulo na wala siyang planong habulin pa ang senador hinggil dito pero ipapa-check niya ang bagay na ito.

Matatandaang noong Hulyo 2018, nakakuha ng paborableng desisyon si Pacquiao sa Court of Tax Appeals tungkol sa P2.2 bilyong tax assessment.

Sa naturang desisyon, pinigilan ng First Division ng tax court ang Bureau of Internal Revenue (BIR) sa pagkolekta sa multi-billion-peso tax deficiency laban kay Pacquiao at sa asawa nito na si Jinkee para sa taong 2008 at 2009 habang nakabinbin ang civil case.

Noong July 2013, naglabas si dating BIR Commissioner Kim Jacinto-Henares ng freeze order laban sa kita ni Pacquiao kaugnay ng kaniyang tax liability na nagkakahalaga ng P2.26 bilyon at lumobo sa P3.3 bilyon dahil sa penalties at surcharges.

Facebook Comments