Sen. Pacquiao, umaasang papalitan na si Health Sec. Duque

Nanawagan si Senator Manny Pacquiao kay Pangulong Rodrigo Duterte na palitan na si Health Secretary Francisco Duque III.

Umapela naman si Pacquiao kay Duque na kusa ng magbitiw alang alang sa delicadeza at para hindi masira ang pangalan at adhikain ng Pangulo.

Pahayag ito ni Pacquiao, sa harap ng impormasyon na si Duque umano ang rason kaya napurnada ang pagsu-supply sana ng Pfizer sa bansa ng bakuna kontra COVID-19 sa Enero ng susunod na taon.


Nilinaw ni Pacquiao na hindi naman niya sinasabi na hindi kaya ni Duque na pamunuan ang Department of Health (DOH) pero mainam na pagbigyan ang iba na may kapasidad na pangasiwaan nang mahusay ang DOH para mapagkumpara ang performance nila.

Ayon kay Pacquiao, pasensya na dahil prangka siyang magsalita pero ayaw niyang masira ang Pangulo nang dahil sa mga kapalpakan ng iba.

Giit ni Pacquiao, ang mga miyembro ng gabinete ay dapat magsulong sa tunay na laman ng puso ni Pangulong Duterte na nagmamahal at nais tumulong sa mamamayan lalo na sa mga mahihirap.

Facebook Comments