
Ilang araw matapos magdiwang ng kaniyang ika-81 na kaarawan si dating Pangulong Rodrigo Duterte, nagtungo sa Korte Suprema ang kaniyang mga tagasuporta para kalampagin na maglabas na ng desisyon kaugnay sa naging pag-aresto sa kaniya.
Ngayong Lunes ng hapon nang pangunahan ni Senator Robin Padilla at ilang mga tagasuporta ni Duterte ang paghahain ng mga nakalap na pirma na nakalagay sa loob ng maleta.
Ayon kay Padilla, ginawa ito upang ipakita na marami ang naghihintay na desisyunan na ang petisyon ngayong mahigit isang taon na mula nang arestuhin at ipadala sa International Criminal Court (ICC) ang dating pangulo.
Nasa mahigit 300,000 na aniya ang mga nakapirma rito at patuloy ang pagdating ng mga pirma na kanilang nakakalap.
Sa ngayon, wala pang inilalabas na desisyon ang Kataas-taasang Hukuman kung ibabasura o kakatigan ang nakahaing petition for certoriari at habeas corpus na inihain ng mga anak ni dating Pangulong Duterte.










