Malaki ang tiwala ni Senator Robin Padilla na may pag-asang lulusot sa Senado ang isinusulong niyang pag-amyenda sa economic provisions ng Konstitusyon.
Ito ay kasunod na rin ng desisyon ng PDP-Laban na magbibigay sila ng suporta para sa itinutulak na Charter Change (Cha-Cha) mula sa idinaos na pulong kaninang umaga.
Ayon kay Padilla, marami sa mga senador ang noon pa man ay nagsusulong na ng Cha-Cha partikular noong 14th at 17th Congress kung saan marami pa sa mga ito ay sa pamamagitan ng Constitutional Convention (ConCon) ang nais na paraan ng pag-amyenda ng Saligang Batas.
Sinabi pa ni Padilla na bukod sa mga administration senators ay naghain din ng Cha-Cha noon ang mga opposition senators mula sa Liberal Party tulad ni dating Senator Franklin Drilon.
Aniya pa, maging si Senate President Juan Miguel Zubiri ay naghain din ng panukalang Cha-Cha noon.
Kaya naman, kung siya mismo ang tatanungin ay hindi niya matanggap na tutol sa Cha-Cha ang mga senador at hindi pwedeng basta-basta na lamang magbabago ang isip ng mga ito.
Dagdag pa ni Padilla na magiging ‘dead end’ lang sa Senado ang pagpapa-amyenda sa Konstitusyon o ang Cha-Cha kung hindi na siya ang Chairman ng Senate Committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes.