Hiniling ni Senator Robin Padilla sa Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality na bawiin na ang contempt laban kay Pastor Apollo Quiboloy.
Sa privilege speech ni Padilla, hiniling niya na mabigyan ng konsiderasyon ang apela ni Quiboloy laban sa contempt order at sa halip ay show cause order na lamang ang iisyu sa pastor.
Sa pamamagitan ng show cause order ay mabibigyang pagkakataon si Quiboloy na makapagpaliwanag kung bakit siya hindi dapat maipa-cite in contempt ng Senado.
Magkagayunman, tinanggihan ni Senator Risa Hontiveros ang hiling na palitan ng show cause order ang pagpapa-contempt kay Quiboloy sa katwirang nabigyan ng nararapat na due process ang pastor matapos na dalawang beses na ipatawag ng kanyang komite pero sa halip na dumalo ay patuloy na iniisnab ni Quiboloy ang kapangyarihan ng Senado na magsagawa ng pagdinig.
Samantala, naghain din si Padilla ng Senate Resolution no. 960 kung saan ipinapasiyasat nito sa Senate Committee on Public Information and Mass Media ang ipinataw ng National Telecommunications Commission (NTC) na ‘indefinite suspension’ laban sa SMNI.