Sen. Padilla, humiling ng ‘collaborative effort’ sa Senado at Kamara hinggil sa pagtalakay sa ChaCha

Hiniling ni Senator Robin Padilla sa liderato ng Senado na magkaroon ng ‘collaborative effort’ sa pagitan ng Kamara para sa pagtalakay ng paraan sa ipinapanukalang pag-amyenda ng economic provision ng Saligang Batas.

Nagpadala na ng liham nitong Lunes si Padilla kina Senate President Juan Miguel Zubiri, Senate President pro tempore Loren Legarda, Majority Leader Joel Villanueva at Minority Leader Koko Pimentel kaugnay sa nasabing kahilingan.

Ipinunto ni Padilla sa liham na nagpahayag na ang Kamara partikular si Speaker Martin Romualdez na bukas sila na talakayin ang Constituent Assembly (Con-Ass) na kanyang isinusulong bilang paraan ng pag-amyenda ng konstitusyon.


Matatandaang una nang napagtibay sa Kamara ang pagpapatawag ng Constitutional Convention (ConCon) para sa Charter Change (ChaCha).

Una nang nagsagawa ng mga pagdinig si Padilla tungkol sa ipinapanukala niyang Con-Ass sa iba’t ibang bahagi ng bansa kabilang ang Davao City, Baguio City, at Cebu City.

Tinalakay rin ng komite ni Padilla ang ConCon ng Kamara kung saan kanyang personal na inalam kung bakit ito ang paraang nais naman ng Mababang Kapulungan.

Facebook Comments