Isinusulong ni Senator Robinhood Padilla na amyendahan ang panukalang Philippine Maritime Zones Act kung saan maliban sa West Philippine Sea ay ipasasama niya sa depinisyon ng baselines ng bansa ang Sabah.
Salig aniya ito sa Republic Act 5446 kung saan ang Sabah ay itinuturing na teritoryo na may “dominion at sovereignty” ang Pilipinas.
Sa naging interpelasyon ni Padilla sa panukala sa plenaryo, iginiit nito na kung paano inilalaban ng gobyerno ang West Philippine Sea ay dapat ilaban din ng bansa ang ating karapatan sa Sabah.
Paglilinaw ni Padilla, hindi naman tayo hihingi ng gulo sa paraan na ito pero mahalagang igiit natin ang ating karapatan sa isla.
Tinukoy ng senador na ang Sabah na bahagi ng bansa ay mayaman sa langis at minerals na dapat pinapakinabangan ng mga Pilipino lalo na ang mga kapatid na Muslim sa Mindanao na siyang malapit doon.
Sumangayon naman si Senator Francis Tolentino, ang sponsor ng panukala, na isingit sa Philippine Maritime Zones Act ang claim ng bansa sa Sabah basta’t maayos ang pagkakagawa rito.