Sen. Padilla, itutuloy pa rin ang pagpapatawag sa mga kongresista para sa pagdinig ng Cha-Cha

Igigiit pa rin ni Senator Robin Padilla ang pagpapadalo sa mga kongresista sa ipapatawag na pagdinig para sa pag-amyenda ng Konstitusyon.

Ayon kay Padilla, sa kanyang pag-aaral sa ‘rules of Senate’ wala siyang makita na nagsasabing bawal ang mag-imbita sa mga kongresista sa mga pagdinig.

Hanggang ngayon aniya ay kaniyang hinihingi na mangyari ang pagtatapat ng mga senador at mga kongresista para talakayin ang Charter Change (Cha-Cha) at umaasa siyang mapagbibigyan ito kapag lumamig na ang sitwasyon.


Tiwala si Padilla na sakaling mangyari ang paghaharap ng dalawang kapulungan ng Kongreso ay kaya niyang kontrolin at i-handle ng maayos na walang mangyayaring gulo o sagutan sa pagitan ng mga mambabatas at kumpyansa siya na sa tagal na ring mambabatas ni Cong. Rufus Rodriguez na kanyang counterpart sa Kamara ay hindi rin nito hahayaang malagay sa alanganin ang magiging pagdinig.

Matatandaang inawat ni Senate President Juan Miguel Zubiri si Padilla sa pagpapaharap sa mga kongresista sa pagdinig ng pag-amyenda ng Konstitusyon sa Senado at pinaalalahanan nito si Padilla sa umiiral na “interparliamentary courtesy” sa pagitan ng dalawang kapulungan na bilang pantay na institusyon ay dapat na kilalanin at irespeto.

Facebook Comments