Nagpaliwanag si Senator Robinhood Padilla sa kanyang naging hand gesture sa gitna ng pag-awit ng Lupang Hinirang bago magsimula ang ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Bongbong Marcos na ginanap noong Lunes.
Makikita si Padilla na habang kinakanta ang national anthem ay nakasara ang kanang kamay na nakaturo habang nakapatong ito sa kanyang kaliwang dibdib.
Umani ng batikos at samu’t saring reaksyon sa mga netizens ang nasabing hand gesture ng senador.
Paliwanag ni Padilla, ang hand gesture na “Kalima La ilaha ilalah” ay bahagi ng kanyang pananampalataya.
Ayon pa sa mambabatas, ginagawa niya talaga ang hand gesture tuwing inaawit ang Lupang Hinirang.
Iginiit pa ni Padilla na pinakamahalaga sa kanya ang kanyang pananampalataya.
Aniya pa, mas pipiliin na lamang niyang magbitiw bilang senador kaysa sabihan siya na hindi niya maaaring i-practice ang kanyang pananampalataya.
Dagdag pa ng senador, hinding hindi niya ipagpapalit ang kanyang pananampalataya para maging pulitiko.