Wala nang ibang naisip na paraan si Senator Robin Padilla na legal na remedyo para kay Pastor Apollo Quiboloy kundi ang dumulog ito sa Korte Suprema matapos na mag-isyu ang Senado ng arrest order laban sa pastor.
Ayon kay Padilla, ang Korte Suprema na lamang ang legal na alternatibong maaaring takbuhan ni Quiboloy patungkol sa mga reklamo sa kanya at sa nalalapit na pagaresto.
Sinabi ng senador na ginawa na ng kanyang opisina ang lahat ng paraan na salig sa rules at procedures ng Senado upang mapangalagaan ang karapatan ni Quiboloy.
Aniya, nagdesisyon na ang Chairman ng Senate Committee on Women sa pagpapa-contempt at pagpapaaresto sa pastor at ito ay inaksyunan na rin ni Senate President Juan Miguel Zubiri sa pamamagitan ng pagiisyu ng arrest order.
Mababatid na sinubukan ni Padilla na harangin ang pagpapaaresto sa religious leader subalit apat lamang silang mga senador ang lumagda sa objection at hindi rin tinanggap ni Senator Risa Hontiveros ang paliwanag ni Quiboloy sa naging tugon nito sa show cause order.