Sen. Panfilo Lacson, binanatan ang tila paghuhugas kamay ni DOH Sec. Francisco Duque III sa nabigong Pfizer vaccine deal

Inalmahan ni Senator Panfilo Lacson ang tila paghuhugas kamay ni Department of Health Sec. Francisco Duque III kaugnay sa umanoy kapabayaan ng kalihim kaya nabigo ang Pilipinas na makuha ang Pfizer vaccine deal.

Sa interview ng RMN Manila, kinontra ni Lacson ang sinabi ni Duque na wala itong pagkukulang at hindi nagpabaya dahil tuloy pa rin ang deal sa Pfizer.

Banat ni Lacson, ibang negosasyon na ang tinutukoy ni Duque dahil, ang naunang negosasyon na makakuha ang Pilipinas ng bakuna mula sa Pfizer sa Enero 2021 ay hindi na matutuloy makaraang mabigo ang kalihim ng DOH na makapagsumite ng Confidential Disclosure Agreement (CDA) ng mas maaga.


Dagdag ni Lacson, nag-follow up pa ang country representative ng Pfizer sa mga kailangang dokumento pero hindi ito naiproduce ng DOH.

Kaya naman kinuwestyon ngayon ni Lacson ang kakayahan ni Duque lalo na’t umabot ng halos apat na buwan ang pag-aaral niya sa (CDA) na dapat sana ay tatlong araw lang.

Nabatid na sina Department of Foreign Affairs Sec. Teodoro Locsin Jr., at Philippine Ambassador to the US Jose Romualdez ang gumawa ng paraan upang makakuha ang Pilipinas ng bakuna ng Pfizer.

Sa tweet ni Locsin na tila patama kay Duque, sinabi nito na isang miyembro ng gabinete na tinukoy niyang “captain ball” ang patuloy na pumapalpak pero hindi ito inaalis sa “game” ng “coach”.

Facebook Comments