Sen. Pia Cayetano, bukas na tanggapin ang pagiging chairman ng Blue Ribbon Committee

Bukas si Senator Pia Cayetano na tanggapin ang pagiging Chairman ng Senate Blue Ribbon Committee matapos na mabakante ang posisyon sa ginawang pagbibitiw ni Senate President pro-tempore Ping Lacson.

Gayunman, aminado ang senadora na hindi madaling tanggapin ang ganitong bagong posisyon dahil mabigat ang trabaho ngayon sa Blue Ribbon at dalawa sa tatlong komite na hawak niya ay mabibigat din, ang Committee on Energy at Committee on Ways and Means.

Ayon kay Sen. Pia, kung tatanggapin niya ang pagiging Blue Ribbon Committee Chairman ay wala siyang duda na kaya niyang gampanan ang trabaho lalo’t hindi naman ito bago sa kanya dahil noong 19th Congress ay isang taon din siyang naging chairman ng komite.

Sinabi pa ng mambabatas na gagamitin niya ang panahon na walang sesyon para pag-isipan at magdasal kung mapanghahawakan niya ang posisyon.

Sakali namang tanggapin ni Sen. Pia ang committee chairmanship ay pag-aaralan naman niya kung kinakailangan pang ituloy ang imbestigasyon na naumpisahan ng Blue Ribbon Committee tulad sa isyu ng maanomalyang flood control projects.

Facebook Comments