Sen. Pimentel, dismayado sa kawalan ng pagpapahalaga ng mayorya sa pagtalakay at pag-apruba ng Maharlika Investment Fund Bill

Iginiit ni Senate Minority Leader Koko Pimentel na walang pagpapahalaga ang mga kasamahang senador sa Majority Bloc sa ginawang pagtalakay at mabilisang pag-apruba sa Maharlika Investment Fund Bill.

Ang pag-aapura para agad na maisabatas ang MIF Bill ang dahilan kaya may mga errors o pagkakamali sa ilang probisyon ng panukala.

Naungkat na noong pinagdebatehan ang Maharlika Fund ay laging halos walang tao sa session hall at karamihan ay nasa lounge o sa canteen na exclusive para sa mga senador.


Bukod dito, sinabi rin ni Pimentel na hindi sila nakikinig na mga mambabatas sa plenaryo at wala ring nagpakita ng interes kaya naging konklusyon niya na hindi importante ang panukala.

Punto ng senador, bahagi ng decorum ng mga mambabatas ang pakikinig sa mga talakayan sa kanilang sesyon.

Noong plenary debates sa Maharlika Investment Fund Bill ay inabot ng madaling araw at ilang beses nakwestyon ni Pimentel ang kawalan ng quorum at matapos nito, doon lamang nagsibalikan ang mga senador sa session hall.

Facebook Comments