Nakatitiyak si Senate Minority Leader Koko Pimentel na makukwestyon ang Maharlika Investment Fund (MIF) Act sa Korte Suprema.
Ayon kay Pimentel, maituturing na napakalungkot ng araw na ito sa kasaysayan ng bansa dahil ang estado sa pamamagitan ng MIF ay hindi makatwirang masasangkot sa mga economic activity na posibleng mapanganib sa pamumuhunan at sa ekonomiya ng bansa.
Sinabi pa ni Pimentel na dahil sa hindi malinaw na pinagmulan ng ideya ng paglikha ng MIF, dagdag pa ang minadaling pag-apruba at ang kalabuan mismo ng nasabing batas, nakasisiguro ang senador na makukwestyon ito sa korte.
Tinukoy ng senador na posibleng hamunin sa Supreme Court ang MIF Act batay sa mga sumusunod na grounds:
– Depektibong Presidential Certification
– Hindi pagpapakita ng economic viability
– Paglabag sa due process
– Paglabag sa BSP Independence
– At ang orihinal na panukala na pinagtibay ng Kongreso ay hindi ang batas na siyang nilagdaan ng presidente.
Giit ni Pimentel, ang Maharlika Investment Fund Act ay isang hindi magandang ideya, hindi magandang desisyon at hindi maayos na batas.
Aniya, kung wala ang kinakailangang surplus o sobrang pondo na dapat taglay ng MIF ay hindi malabong mas lalo pang tumaas ang utang ng bansa na ngayon ay nasa P14.1 trillion.