Iminungkahi ni Senate Minority Leader Koko Pimentel na pagkatapos na lamang ng 2025 elections talakayin ang pag-amyenda sa Konstitusyon.
Inamin ni Pimentel na may “trust issues” silang mga senador pagdating sa usapin ng Charter change (Cha-cha) lalo na noong pinalutang ang People’s Initiative kung saan mas binibigyan ng kapangyarihan ang Kamara habang inaalisan naman ng poder dito ang Senado.
Bukod dito, may mga pagdududa rin aniya na maipasok sa constitutional amendments ang mga hindi dapat tulad ng political provisions at ang land ownership ng mga dayuhan na nakapaloob sa economic provisions.
Sinabi ni Pimentel na bagama’t bukas siya sa constitutional amendments ay mas mabuting huwag ngayon talakayin ang Cha-cha kundi pagkatapos na lamang ng midterm elections sa 2025 para may mga bagong set ng mga mambabatas.
Dagdag pa ng senador, dahil 88 percent ng mga Pinoy ay ayaw sa Cha-cha, patunay lamang ito na walang clamor o panawagan mula sa taumbayan.