Sen. Ping Lacson at Sen. Rodante Marcoleta, nagkainitan sa pagdinig ng maanomalyang flood control projects

Sumiklab ang tensyon sa pagitan nina Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson at Senator Rodante Marcoleta sa pagsisimula ng ikalimang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay ng maanomalyang flood control projects.

Nag-ugat ang sagutan ng dalawang senador sa usapin kung sino sa mga resource persons ang dapat ikonsiderang state witness sa mga ghost flood control projects sa bansa.

Kinuwestyon ni Marcoleta kung bakit para kay Lacson ay mas karapat-dapat na maisama sa Witness Protection Program (WPP) si dating Bulacan Assistant District Engineer Brice Hernandez kumpara sa mag-asawang contractor na sina Pacifico at Sarah Discaya.

Kinuwestyon din ni Marcoleta kung may prerogative o karapatang magpasya si Lacson, bilang chairman ng Blue Ribbon Committee, kung sino ang dapat mapasailalim sa WPP, lalo’t nakasalalay dito ang integridad, pagiging patas at objectivity ng pagdinig.

Pumalag naman si Lacson at iginiit na huwag kuwestyunin ni Marcoleta ang kanyang opinyon.

Nang uminit ang pagtatalo ng dalawang mambabatas, agad na sinuspinde ni Lacson ang pagdinig. Habang nakasuspinde, tinanong niya kung bakit napaka-protective ni Marcoleta sa mag-asawang Discaya.

Itinanggi naman ni Marcoleta na pinoprotektahan niya ang mga contractor. Aniya, ang ginawa lamang niya noong siya pa ang chairman ng Blue Ribbon Committee ay ipina-apply sa WPP ang mag-asawang Discaya kung mag-qualify ang mga ito.

Facebook Comments