Sen. Ping Lacson, inilahad ang consequences na puwedeng mangyari kung babalik siyang Chairman ng Blue Ribbon Committee

Ibinabala ni Senate President Pro-Tempore Ping Lacson ang posibilidad na kumalas ang ilang miyembro ng mayorya at mawala sa kanyang posisyon si Senate President Tito Sotto III kapag bumalik siyang Chairman ng Senate Blue Ribbon Committee.

Ayon kay Lacson, nag-usap sila ni Sotto at sinabihan niya ito na maghanda sa anumang consequences o resulta ng aksyon sakaling tanggapin niyang muli ang pagiging Chairman ng nasabing komite.

Sakaling bumalik siyang Chairman ng Blue Ribbon, isa sa malaking epekto nito ay maaaring mawala ang Senate Presidency ni Sotto.

Naisip niya na noong nagbitiw siya bilang Chairman ng komite noong Oktubre 6, ang isang simple at praktikal na tanong ay ano pa ang usapin sa chairmanship ng Blue Ribbon kung ang ilang miyembro naman ng mayorya ay lilipat sa oposisyon na pinamumunuan ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano.

Kung matatandaan, isa sa itinuturong dahilan ng pagbibitiw ni Lacson sa Blue Ribbon ay nang magbanta ang ilang majority bloc members na aalis sa mayorya matapos sabihin ni Lacson na halos lahat ng senador ay mayroong budget insertions sa 2025 national budget.

Sa ngayon, wala pang kumpirmasyon o pagtanggi si Lacson ukol sa posibleng pagbabalik bilang Chairman ng Blue Ribbon Committee.

Facebook Comments