
Sinopla rin ni Senate President pro-tempore Ping Lacson ang bwelta sa kanya ni Senator Imee Marcos na “clueless” ito sa sinasabing may P2.5 billion na allocables ang senadora.
Naunang iginiit ni Lacson na sa kabila ng pagpuna ni Sen. Imee na tadtad ng pork barrel ang 2026 budget, wala naman aniya itong moral ascendancy na tuligsain ang pambansang pondo dahil ang senadora ay mayroong pork sa budget.
Pero, binweltahan ito ni Sen. Marcos at sinabihan si Lacson na walang alam na ito ay bahagi ng wishlist na ibinigay sa Department of Public Works and Highways (DPWH) at zero o walang ibinigay na pondo sa mga miyembro ng oposisyon.
Gayunman, gumanti ng sagot si Lacson at sinabihan si Sen. Imee na kung walang moral na karapatan para mamintas ng kapwa ay manahimik na lamang ang senadora.
Nag-ugat ang sagutan ng dalawa matapos na sabihin ng senadora na pinipigilan sila ng Blue Ribbon Committee (BRC) na magsalita o magpuna ng mga matataas na opisyal ng gobyerno na sangkot sa maanomalyang flood control projects na pinabulaanan naman ni Lacson.










