Sen. Ping Lacson, nagpaliwanag sa kumakalat na larawang kasama sina Curlee at Sarah Discaya

Nagpaliwanag si Senate President pro-tempore Ping Lacson tungkol sa kumakalat na larawan niya kasama ang mag-asawang contractor na si Curlee at Sarah Discaya.

Paglilinaw ni Lacson, kinunan ang litrato noong huling linggo ng Abril na pagtatapos ng 90-day campaign period para sa 2025 midterm elections.

Bago aniya ang pagkikita ay minsan siyang binisita sa kanyang opisina sa Taguig ng campaign supporter mula sa Davao City na si Fred Villaroman at kasama nito ang anak ni Discaya at iniimbitahan siya para sa grand rally sa isa sa mga lalawigan ng Davao.

Ang nakababatang Discaya ay tumatakbo bilang party-list representative ng Ako Pinoy o Ako’y Pinoy.

Sunod na dumating ang mga magulang ng batang Discaya at tumagal lamang ng 15 hanggang 20 minuto ang kanilang pag-uusap.

Paglilinaw pa ni Lacson, tinanggihan niya ang alok ng mga ito na sumama sa campaign rally bilang respeto na rin sa kanyang kaibigan na si Senate President Tito Sotto III na kung saan ang pamangking si Mayor Vico Sotto ay kalaban naman sa mayoralty race ang mga Discaya.

Binigyang-diin pa ng senador na hindi niya kilala ang mga Discaya at iyon lamang ang una at tanging pagkakataon na nakasama niya ang mga Discaya bago pa man pumutok ang imbestigasyon ng Blue Ribbon Committee.

Facebook Comments