Sen. Ping Lacson, nakipag-ugnayan sa mga mamamayan ng Laguna

Muling iginiit ni Senator Panfilo “Ping” Lacson na dapat maramdaman ng taumbayan ang tunay na serbisyo publiko mula sa gobyerno.

Ito ang naging pahayag ni Lacson sa pakikipag-ugnayan sa mga residente sa iba’t ibang barangay sa Cabuyao City gayundin sa iba pang lungsod ng Laguna.

Ayon kay Lacson na tumatakbong pagka-pangulo sa ilalim ng Partido para sa Demokratikong Reporma, nararapat tutukan ng pamahalaan ang pangangailangan ng bawat lungsod partikular ang mga barangay sa ilang probinsya sa bansa.


Aniya, dapat gamitin ang natenggang pondo mula sa gobyerno para maresolba ang problema sa bawat barangay at matulungan ang mga mamamayan na nangangailangan.

Inihalimbawa rito ni Lacson ang pagkakaroon sana ng karagdagang hospital, kabuhayan at iba pang tulong lalo na sa mga probinsiya.

Hangad ni Lacson na matugnan ito sa abot ng kaniyang makakaya sakaling maupo sa pwesto kung saan plano niya na ang bawat opisyal ng lokal na pamahalaan ang siyang dapat mamuno sa pagpapatupad ng proyekto gayundin sa pagkontrol sa ibabahaging pondo.

Sinabi naman ni Sen. Tito Sotto na siyang ka-tandem ni Lacson na tumatakbong pagka-bise presidente kung pagbabatayan ang experience at sa dami ng batas na nagawa, silang dalawa na mismo ang nangunguna dito kaya’t nais nilang ipagpatuloy ito at maipatupad ng maayos sa mga susunod na taon.

Kasama naman nilang dumalo sa Online Kwentuhan ang ibang senatorial ng Partido para sa Demokratikong Reporma na sina Dr. Minguita Padilla, dating congressman Monsour del Rosario at Paolo Capino kung saan napanood ito sa 24 na satellite venues sa buong lalawigan ng Laguna.

Facebook Comments