
Paninindigan ni Senate Blue Ribbon Committee (BRC) Chairman Ping Lacson ang nilalaman ng binabalangkas na committee report tungkol sa inimbestigahang maanomalyang flood control projects partikular sa pagsasampa ng kaso sa tatlong senador.
Sa lumabas na draft committee report, inirekomendang kasuhan ang mga mambabatas na idinadawit sa ghost flood control projects na sina Senators Jinggoy Estrada, Joel Villanueva, at Chiz Escudero.
Tiwala si Lacson sa rekomendasyon ng draft committee report dahil ito ay inihanda sa ilalim ng gabay ni Atty. Gerard Mosquera na nagsilbing deputy Ombudsman for Luzon.
Gayunman, kahit mga abogado ang bubuo ng committee report, aakuin naman niya ang responsibilidad ng lalamanin ng report.
Nanindigan din si Lacson na nakahanay sa tunay na pangyayari sa ground ang nakapaloob sa committee report dahil ang mga inirekomendang pakasuhan ng criminal at administrative charges ay kasalukuyan na ring sumasailalim sa preliminary investigation.
Sinabi ni Lacson na iginagalang niya ang opinyon ng kanyang mga kasamahan kaya kung hindi siya makaka-secure ng sapat na lagda na 11 senador ay walang magiging committee report.










