
Diretsahang inihayag ni Senator Ping Lacson na hindi siya bakla at walang peke sa kanyang mukha.
Ito ang tugon ni Lacson sa hamon sa kanya ni Senator Imee Marcos na magsabunutan silang dalawa at sa tumitinding palitan ng sagot ng dalawang senador na nag-ugat sa alegasyon ni Sen. Imee na pinagbabawalan silang magsalita ng Blue Ribbon Committee sa mga matataas na opisyal na nasasangkot sa maanomalyang flood control projects.
Ayon kay Lacson, maaaring ipinahihiwatig ni Sen. Marcos na peluka ang kanyang buhok o pinalalabas na bakla siya kaya naghamon ng sabunutan.
Malayo aniya sa katotohanan ang mga pasaring sa kanya ng senadora sabay giit na hindi peluka ang kanyang buhok, walang peke sa kanyang mukha, hindi pustiso ang kanyang ngipin at lalong-lalo na hindi siya bakla.
Nilinaw naman ni Lacson na wala siyang masamang pahiwatig sa mga myembro ng LGBTQ sa akusasyon laban sa kanya pero kung siya ang tatanungin, hindi naman aniya siya kagwapuhan pero alam niyang tunay siyang lalaki.
Dagdag pa ni Lacson, nakakagulo at hindi nakatutulong ang mga sinasabi ni Sen. Imee dahil wala naman itong sinasagot sa mga isyu.










