Hinahanapan ni Senator Grace Poe ng resulta ang tatlong buwang extension na ibinigay para sa consolidation ng prangkisa ng mga PUVs.
Ito ay matapos ilahad ni Pangulong Bongbong Marcos Jr., na hanggang April 30 na lamang ang deadline para sa PUV franchise consolidation para maipatupad na ang PUV Modernization Program.
Ayon kay Poe, kinikilala naman niya ang itinakdang deadline ng pamahalaan pero mahalagang malaman kung naging produktibo ba ang tatlong buwang extension sa PUV consolidation.
Partikular na nais malaman ni Poe kung nagkaroon ba ng makabuluhang dayalogo sa pagitan ng LTFRB at mga transport groups, mayroon bang pagsisikap na maipasok sa programa ang ilang mga drivers at operators at kung natugunan ba ang pangamba sa loans at iba pang pinansyal na aspeto ng programa.
Umapela rin ang mambabatas sa LTFRB na maglabas na ng listahan ng mga ruta, meron o wala mang consolidated jeepneys.
Nanawagan din si Poe sa Supreme Court na ilabas na ang desisyon sa apela ng mga transport groups nang sa gayon ay maliwanagan ang mga ahensya sa direksyon ng modernisasyon ng mga PUVs.