Nanawagan si Senate Committee on Public Services Chairman Senator Grace Poe sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na aksyunan agad ang plano na water service interruption ng Maynilad Water Services Inc. sa July 12.
Batay sa Maynilad, maaaring makaranas ng hanggang siyam na oras na water service interruption tuwing gabi ang mga customers dulot ng pagbaba ng lebel ng tubig sa Angat dam.
Giit ni Poe, hindi dapat upuan ng MWSS ang nasabing isyu lalo pa’t ang paulit-ulit na pagputol sa serbisyo ay makakaapekto sa 600,000 na Maynilad customers.
Ayon sa senadora, hindi katanggap-tanggap na dumadalas, humahaba ang oras at mas dumarami ang apektado ng water interruption.
Dahil dito, pinakikilos ni Poe ang MWSS na alamin kung ang mga water utilities tulad ng Maynilad ay tumutupad sa kanilang obligasyon salig sa kanilang prangkisa.
Binigyang diin ng mambabatas na maging proactive ang MWSS at hindi lamang ito maging tagahatid ng masamang balita sa mga customers.
Dagdag pa ng senadora, dapat ihayag sa publiko ng MWSS at ng mga water concessionaires ang long-term at short-term solutions sa problema sa kakapusan ng tubig at hindi dapat umasa lang sa lakas ng buhos ng ulan at isisi na lang palagi sa Angat Dam ang water shortage.