Manila, Philippines – Patuloy na nangunguna si Senator Grace Poe sa karera sa pagkasenador para sa 2019 midterm elections.
Base sa survey ng Pulse Asia, si Poe ay nakakuha ng 67.5% na sinundan ni Senator Cynthia Villar sa ikalawang pwesto na nasa 61%.
Si dating Special Assistant to the President Bong Go at Senator Sonny Angara ay tabla sa ikatlo hanggang ikalimang pwesto na may 53% at 52.2% voters preferences.
Sakop naman ni dating Senator Lito Lapid ang ikatlo hanggang ikapitong pwesto na may 49%.
Humanay naman sa 5th-7th place si Taguig Representative Pia Cayetano na may 47%, sumunod si dating BuCor Chief Ronald Dela Rosa na nasa 5th-8th place na may 44.6%.
Nasa ikapito hanggang ikasampung pwesto si Senator Nancy Binay na may 40.5% habang nasa pangwalo hanggang pang-12 si dating DILG Secretary Mar Roxas na may 39.8%.
Pasok naman sa pang-walo hanggang pang-13 pwesto si dating Senator Bong Revilla na may 36.8%.
Parehas namang nasa ika-siyam hanggang ika-14 na pwesto sina Ilocos Norte Governor Imee Marcos (36%) at Senator Koko Pimentel (35.6%).
Nakakuha naman ng 33.9% voters preference si dating Senator Jinggoy Estrada at 32.1% si dating Presidential Political Adviser Francis Tolentino.
Si Senator Bam Aquino naman ay nakakuha ng 30.4%, sumunod si Senator JV Ejercito (27.6%) at dating Senator Serge Osmeña (26.7%).
Ayon sa Pulse Asia, mula sa 62 personalidad na kumakandidato sa pagkasenador ay 14 lamang ang may tiyansang mananalo.
Ang survey ay isinagawa mula February 24 hanggang 28, sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,800 registered voters sa buong bansa.