Sen. Poe, umapela na isama ang galunggong sa price freeze

Hiniling ni Senator Grace Poe sa Department of Agriculture o DA na isama ang galunggong sa mga pangunahing bilihin na kailangang ilagay sa price freeze sa gitna pa rin ng pandemya.

Ginawa ni Poe ang panawagan bunsod ng napakataas pa ring presyo ng galunggong sa mga palengke nitong mga nagdaang mga araw na hindi na kayang bilhin ng mga ordinaryong mamimili.

Una nang inirekomenda ng DA sa Malacañang na magpatupad ng price ceiling o price freeze sa baboy at manok, kung saan ilalagay sa ₱270 ang kada kilo ng kasim at pigue ng baboy, ₱300 sa liempo at ₱130 naman sa kada kilo ng dressed chicken.


Ang price ceiling na ito ay mas mataas sa Suggested Retail Prices (SRP) na itinakda noong huling bahagi ng Nobyembre.

Sa ilalim ng Price Act, ang Pangulo ay maaaring magpataw ng price ceiling sa pangunahing pangangailangan o prime commodity.

Ito ay kung may kalamidad, emergency, malawakang iligal na price manipulation at kung ang presyo ay tumaas sa hindi makatuwirang antas o kung may pangyayari na magreresulta sa pagtaas sa presyo nito.

Facebook Comments