Hindi man direktang pinangalanan ni Senator Raffy Tulfo pero kinumpirma niya na related o kaanak ng isang senador ang VIP na sakay ng white Cadillac Escalade na may protocol plate number 7 na nag-viral sa social media kamakailan matapos na dumaan sa EDSA bus lane.
Nilinaw naman ng mambabatas na hindi senador ang sakay ng SUV nang gabing iyon at posibleng hindi rin ito alam ng kanyang kasamahan.
Pero natanong ng media kay Tulfo kung tama ba ang impormasyon na ang sasakyan na dumaan sa bus lane ay gamit ng kompanya na nakapangalan kina William Gatchalian at Kenneth Gatchalian, ang ama at kapatid ni Senator Sherwin Gatchalian.
Hindi ito direktang sinagot ni Tulfo at aniya ang may-ari ng sasakyan ay ang kumpanyang Orient Pacific Corporation na kung saan board members ang mga nabanggit na pangalan.
Sinabi pa ng senador na nagtutugma ang nakuha niyang intel information sa mga impormasyong mayroon ang mga mamamahayag.
Batay sa timeline mula sa intel report na ibinahagi ng senador, ang sakay ng puting SUV ay dumating noong November 3 sa NAIA Terminal 1 via PR 427 galing Narita Tokyo pabalik ng Manila.
Lumabas aniya ng NAIA terminal ang sasakyan bandang alas-6:30 ng gabi at dumaan ng Skyway North Bound, papuntang Magallanes at nag-exit sa EDSA North Bound sa may EDSA Magallanes at pagdating sa Guadalupe ay doon sila naharang ng mga enforcer ng Special Action and Intelligence Committee for Transportation (SAICT) ng Department of Transportation.