Sen. Raffy Tulfo, pinangalanan ang mga sinasabing big-time oil smugglers sa bansa

Inilahad ni Senator Raffy Tulfo sa pagdinig ang pangalan ng mga diumano’y oil smugglers sa bansa.

Ginawa ito ng senador sa gitna ng consultative meeting kaugnay sa estado ng implementasyon ng Fuel Marking Program ng Bureau of Internal Revenue (BIR) at Bureau of Customs (BOC).

Diretsahang pinangalanan ni Tulfo ang isang Don Rabonza na kilala umano sa Navotas na smuggler ng langis at ng asukal na galing Hong Kong.


Sunod na pinangalanan ng senador ang mga sinasabing oil smugglers ng Batangas at Sariaya, Quezon na sina Sonny Qiu, Jackie Chu, Aron Uy at Lindon Tan.

Tinanong din ni Tulfo ang Customs kung kilala sina Alex Cua, Bogs Violagu, Jong Mangundadatu at Dondon Alahas na nag-o-operate naman sa Mariveles, Bataan.

Tugon ng ipinadalang kinatawan ng BOC na si Special Agent II Anthony Escandor na hindi niya kilala ang lahat ng mga binanggit na pangalan ni Tulfo.

Sinabi ni Tulfo na daig pa ng mga nagtitinda ng mani at galunggong sa pier ang Customs dahil kilala ng mga ito ang mga nabanggit na pangalan.

Dismayado rin ang senador na wala ni isang mataas na opisyal mula sa mga inimbitahang ahensya ang humarap sa consultative meeting.

Dahil dito, plano ni Tulfo na magpatawag ng hiwalay na pagdinig kaugnay sa isyu ng oil smuggling o kaya ay hihilingin niya sa Senate Blue Ribbon Committee na siyasatin ito.

Facebook Comments