Sen. Revilla, tinawag na bully ang ICC; naturang korte, walang karapatang manghimasok sa bansa

Tinawag ni Senator Ramon “Bong” Revilla Jr. na bully ang International Criminal Court (ICC) dahil sa desisyong ipagpatuloy ang imbestigasyon sa drug war ng nakaraang administrasyong Duterte.

Giit ni Revilla, hindi papayag ang bansa sa ginagawang panghihimasok ng ICC at hindi rin kailangang ipaalala na tayo ay malaya, independent at isang sovereign nation na pinamamahalaan ng sarili nating batas.

Sinabi pa ni Revilla na kung talagang may pananagutan ay sa batas ng ating bansa dapat managot at hindi sa mga dayuhan.


Aniya pa, nalilito na siya sa ginagawa ng ICC na paghahabol sa walang basehang pag-uusig sa Pilipinas gayong maraming lehitimong isyu at crimes against humanity na nangyayari sa iba’t ibang bahagi ng mundo.

Punto ni Revilla na halatang hindi hustisya ang interes ng ICC kundi ibang bagay dahil binobomba at pinapatay na ang mga inosenteng sibilyan at mga kabataan sa ibang panig ng mundo pero ang ICC ay sina Senator Bato dela Rosa at dating Pangulong Rodrigo Duterte ang pinanggigigilan.

Dagdag pa ng mambabatas, tuluyan nang nawalan ng kredibildad ang ICC dahil sa pagkiling at pagiging ‘politically motivated’ sabay giit na hindi tayo maloloko dahil ginawa na nila ito sa ibang mga bansa na sa halip hustisya ay lantaran nilang binalasubas ang mga umiiral na batas.

Facebook Comments