Hindi nawawalan ng pag-asa si Senator Risa Hontiveros para sa isinusulong na divorce bill sa bansa.
Ito’y kahit pa sinabi ni Senate President Pro-tempore Jinggoy Estrada na dikit ang laban ng mga pro at anti-divorce bill, na hindi ito prayoridad at dadaan sa butas ng karayom ang panukala sa Senado.
Ayon kay Hontiveros, maraming panukalang batas ang wala sa listahan ng LEDAC pero pumapasa naman sa mataas na kapulungan.
Aniya pa, hindi pa naman nakukumpleto ang survey ng mga senador na pabor o tutol sa panukalang diborsyo.
Sinabi ni Hontiveros na sapat na para sa kanya ang pahayag ni Senate President Chiz Escudero na malayang paiiralin ang conscience vote sa divorce bill.
Maituturing na patas ang laban na ito dahil kaakibat nito ang ikalawang pagkakataon sa pag-ibig at pagpapamilya at sino ba naman aniya tayo para ipagkait ang karapatang ito.