Sen. Risa Hontiveros, ipinasisiyasat sa Senado ang ginawa ng DSWD na pagpapatigil sa operasyon ng Gentle Hands Inc.

Pinapaimbestigahan ni Senator Risa Hontiveros ang ginawa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na pagpapatigil sa operasyon ng bahay ampunan na Gentle Hands Incorporated (GHI).

Inihain ni Hontiveros ang Senate Resolution 643 kung saan binibigyang direktiba ang Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality na magkasa ng imbestigasyon “in aid of legislation” tungkol sa inisyung ‘cease and desist order’ ng DSWD sa naturang bahay ampunan na may layong repasuhin din ang kasalukuyang polisiya sa mga orphanages at child residential care facilities sa bansa.

Tinukoy sa resolusyon na noong May 23, 149 na mga batang babae at lalaki na nasa pangangalaga ng GHI ang inilipat ng DSWD sa mga pasilidad na pinatatakbo ng gobyerno sa Mandaluyong, Quezon City at Muntinlupa matapos matuklasan sa isinagawang inspeksyon na bigo ang GHI na sumunod sa itinatakdang minimum standards para sa mga ‘residential facilities for children’.


Ilan sa mga problemang nakita sa orphanage ay overcrowding o siksikan na ang mga kabataan, hindi maayos na bentilasyon at fire safety.

Batay naman sa GHI, naging malaking trauma para sa mga bata ang biglaang paglipat sa kanila lalo’t marami sa mga ito ang nagdurusa na mula sa mga pang-aabuso at pag-abandona habang ilan sa mga kabataan ay nangangailangan ng medical attention at psycho-social counselling.

Aalamin sa pagsisiyasat kung nakasunod ba sa tamang proseso ang DSWD sa pag-alis sa mga bata sa child-care facility at kung isinaalang-alang ba ang interes ng mga kabataan.

Facebook Comments