Isinusulong ni Senator Risa Hontiveros sa Mataas na Kapulungan ng Kongreso na magsagawa ng malawakang imbestigasyon kaugnay sa nangyaring power outage na naranasan sa Panay at Guimaras Island.
Sa inihaing Senate Resolution 890 ni Hontiveros, iginiit nito na kailangan ng malaliman at mas malawak na pagsisiyasat para malaman ang tunay na dahilan sa likod ng blackout noong Enero 2.
Tinukoy ni Hontiveros na ang nangyaring malawakang power interruption ay nagdulot ng malaking abala sa pang-araw-araw na pamumuhay ng mga tao sa lalawigan, pagkalugi ng mga negosyo, pagkaparalisa ng operasyon ng mga tanggapan ng gobyerno, paaralan at ospital.
Punto ng senadora, kung ikokonsidera ang mga nakaraang imbestigasyon na wala namang malinaw na resulta, mahalaga na magsagawa ng komprehensibo, mabusisi, at malawak na pagsisiyasat kabilang na ang review sa concession agreement sa pagitan ngNational Transmission Commission at National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) gayundin ang pagrepaso sa 25 taong legislative franchise ng NGCP.
Dagdag ni Hontiveros, nararapat lamang ang agarang review at pagpapaigting para sa epektibong protocols gaya na lamang ng mekanismo ng Department of Energy (DOE) sa mga insidente tulad ng nangyaring tuluy-tuloy at wala sa planong shutdown ng mga power plants.