Nanawagan si Senator Risa Hontiveros sa Commission on Elections (Comelec) na tuluyan nang ibasura ang pagtanggap ng lagda at lahat ng prosesong may kaugnayan sa People’s Initiative.
Ginawa ni Hontiveros ang pangangalampag sa Comelec sa gitna ng pagdinig ng subcommittee para sa Resolution of Both Houses no. 6 o ang pag-amyenda sa economic provisions ng Konstitusyon.
Matatandaan na kamakailan ay sinuspinde lamang ng Comelec ang lahat ng proceedings na may kinalaman sa People’s Initiative kabilang na rito ang pagtanggap sa signature sheets na isinumite ng People’s Initiative Reform Modernization Act (PIRMA).
Samantala, tiniyak naman ni Hontiveros na isa siya sa mga mahigpit na magbabantay sa pagtalakay ngayon ng Senado sa RBH6 na posibleng magpahina sa demokrasya ng bansa sabay giit ng kanyang mariing pagtutol sa Charter change (Cha-cha).
Binigyang-diin ng senadora na hindi solusyon ang Cha-cha sa iniinda ng ating ekonomiya kundi ang mga tunay na problema na hadlang sa pagpasok ng mga dayuhang mamumuhunan sa bansa ay korapsyon, red tape, burukrasya at mataas na singil sa kuryente.