Manila, Philippines – Tinuligsa ng ilang mga kakampi ni Senator Risa Hontiveros sa Kamara si Justice Sec. Vitaliano Aguirre matapos sampahan ng anti-wiretapping law ang Senadora.
Sinabi ni Dinagat Island Rep. Arlene Kaka Bag-ao, walang pinagkaiba sa sitwasyon ni Senator Leila de Lima ang nararanasan ngayon ni Hontiveros.
Matapos aniyang ipakulong si De Lima, ngayon naman ay pinupuntirya naman ni Aguirre si Hontiveros.
Pasaring ni Bag-ao kay Aguirre, ni hindi pa nito sinasagot ang isyu sa pakikipagsabwatan para kasuhan si Hontiveros habang nasa gitna ng pagdinig noon ng Senado.
Ang pagsasampa ng kaso ay nabuking matapos makunan ng litrato ang cellphone ni Aguirre kung saan nakita ang palitan ng mensahe ng kalihim at ng isang dating kongresista.
Pinagsabihan ni Bag-ao si Aguirre na atupagin ang pagbibigay ng katarungan sa mahihirap na biktima ng extra judicial killing sa halip na hustisya sa sarili nito.